‘DI MASYADONG natuunan ng pansin ang pagpanaw kamakailan ng unang nilalang na yumapak sa buwan. Astronaut Neil Armstrong, 82. Nu’ng July 20, 1969, lulan ng Apollo XI, si Armstrong kasama ang lima pang astronauts ay matagumpay na dumaong sa Sea of Tranquility ng buwan. Mahigit na 600-milyong tao ang pigil-hiningang pinanood sa black-and-white TV ang pinakamakasaysayang space exploration feat na ito. Historic words ni Armstrong minuto pagkatapos ng ‘di kapani-paniwalang moon landing: “one small step, a giant leap for mankind”.
Dito nagsimula ang marami pang spectacular space explorations. Kamakailan, matagumpay na nag-landing ang nuclear-powered Curiosity Rover sa pisngi ng Mars.
Mula sa buwan, inilarawan ni Armstrong ang kanyang namalas: ‘di mabibigkas ng anumang salita ang kagandahan ng mundo, nakabitin at umiikot na walang turnilyo sa kalawakang walang sukat, puno at kumikislap sa buhay na maaari lang malikha ng isang pinaka-makapangyarihang Manlilikha. Sino ang tao para arukin at alamin ang hiwaga at ‘di maipapaliwanag na walang hanggang kalawakan? Sino ang tao…?
Si Armstrong ay nagretiro bilang isang guro ng aerodynamics sa isang unibersidad sa Ohio. Sa mga nalabi pa niyang mga taon, nanahimik siyang namuhay, malayo sa mata ng lipunan at pahayagan. Bakit niya ninais ang ganitong uri ng pamumuhay? P’wedeng magamit sa ibayo pang katanyagan at kayamanan ang kanyang naging pambihirang karanasan. Nu’ng yumapak siya sa buwan, ano ang sumuot sa kanyang laman, buto at kaluluwa? Namalas niya ang ‘di maibigkas na kagandahan ng ating buhay sa planeta at ang kalawakan na walang hanggan. ‘Di maaaring walang Pinakamakapangyarihan Lumikha ang lumikha ng lahat ng ito. ‘Di maaari…
Sa balita ng kanyang pagpanaw, ‘di ko alam kung bakit ilang araw akong balisa, ‘di mapalagay. Tila may isang napakalayong tinig ang may nais na ibulong sa akin.
SAMUT-SAMOT
BUTI NA lang na ang Intensity 7 na lindol sa Southern Mindanao ay walang gaanong napinsala. Wala ring nasaktan o namatay. Ang lindol ang unang pasabog ng kalikasan sa unang araw ng Setyembre. Dahil dito, dapat buhayin ang state of preparedness program ng pamahalaan. ‘Wag itulot ng Diyos, ‘pag may ganyang intensity ang tumama sa Kamaynilaan, mga mamamayan at awtoridad ay ‘di handa. Nakatatakot isipin. Sariwa pa sa aking alaala ang lindol na nagpabagsak sa Ruby Tower sa Tondo nu’ng 60s. Daming namatay at napinsala. Kung ‘di tayo handa sa baha, ‘yon pa kayang lindol. Sa emergency, hilong-talilong lagi ang pamahalaan. Kasi puro ningas-kugon ang ating efforts kontra emergency. Ngayon pa lang, ‘di na pinag-uusapan ang relocation sa mga informal settlers na apektado ng baha.
‘WAG NANG tuksuhin ng mga sumasawsaw si Atty. Leni Robredo na pumalaot sa pulitika. Bayaan na lang siyang manahimik at matapang na harapin ang hamon ng pag-aaruga sa mga anak. Talagang na-ging labis-labis ang umuulang parangal sa nasirang DILG Sec. Ito’y ‘di kapani-paniwala kung tutuusin na sa simula ‘di lubos na bilib si P-Noy kay Robredo. Ginawa lang siyang acting secretary at walang pakialam sa kapulisan at Bureau of Fire Protection.
MALAMIG NA ang simoy ng hangin sa umaga, at sa isang radio station madalas na ang pagtugtog ng Christmas carols. Parang kailan lang. Saglit lang at matatapos na naman ang taon. Sana’y maging maganda at ligtas sa sakuna ang 2013. Eleksyon year din ‘yon. Mula Enero hanggang Mayo abala tayo sa eleksyon. Naku puro boses ng mga nakabubulahaw na pulitiko na naman ang bibingi sa tenga natin. Mga pangako na napapako. Batuhan ng putik at katakut-takot na siraan. Ay, demokrasyong Pinoy!
ONE DAY at a time. Ito ang magaling na panuntunan sa buhay. Talagang ‘di tayo makapagplano. ‘Di natin alam ang mangyayari sa susunod na oras o araw. Masdan natin ang nangyari kay Robredo. Ni wala siyang salamisim na pag-upo niya sa loob ng eroplano ay huling pag-upo niya sa mundo. O pagtulog natin ay magigising pa. Dapat ang bawat araw ay siksikin ng magagandang gawain at alaala. Ang tanging bagay na nagdudulot ng tunay na kaligayahan ay pagtulong sa kapwa. Sa ingles, serve others and be happy!
QUOTA NA ako. Ito ang buong pasasalamat na masasabi ko sa buhay ko. Edad 68, walang masyadong seryosong kapansanan, stable na ang buhay pati ng aking kaisa-isang anak at dalawang apo. Napakabait at marunong ang Maykapal. Labis-labis ang biyaya. Anytime, p’wede na ko. Extension of several years ay maituturing na bonus na. Praise the Lord!
NAKAHAHABAG ANG mga tao na walang kasiyahan sa buhay. Bilyun-bilyon na ang possessions, ‘di pa maligaya. Kayod nang kayod pa. Para bang madadala ang salapi sa kabilang buhay. Nagkamali sila. Sana’y sa araw ng paglilitis kahabagan sila ng Panginoon.
ISANG NILALANG na matagal nang pumanaw ay lagi pang sariwa sa aking alaala. Siya ay si Martin Guerrero, dating kasamahan ko sa opis ni dating Pa-ngulong Erap. Kung buhay siya ngayon, papalo siya ng edad 80. Kaiba siyang tao at kaibigan. Ibang uri ang kanyang pagmamalasakit at pagkamatulungin. Mahigit kaming 15 taong nagkasama. At tuwing darating ang Setyembre, naalaala ko ang kanyang kaarawan. Mahal na mahal din siya ni Erap. At ‘pag siya ay kapwa namin naalaala, kapwa kaming naluluha. May ganyang kaibigan.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez