BILYUN-BILYONG DOL-YAR ang nagugol ng mga super powers sa pa-ngunguna ng U.S. sa space explorations. Hanggang ngayon, may umiikot pang International Space Shuttle satellite sa kalawakan.
Ang interes sa space exploration ay muling umiinit pagkatapos ng successful landing sa Mars kamakailan ng U.S. Curiosity Rover. Ang pakay nito ay alamin kung may tubig sa pulang planeta. Ang pagpanaw rin ng unang nilikha na nakayapak sa buwan, Neil Armstrong, 82, ay kasama rito.
Sa unang pitak ng paksang ito, winika ko na pagkamatay ni Armstrong, para laging may isang napakalayong tinig ang may nais ibulong sa akin. Naririnig ko ang tinig subalit ‘di ko mawari ang ibig sabihin.
Naitanong ko muli ang sa buong buhay ko ay lagi kong tinatanong. Bago ang aking nakalipas, ngayon at darating pang panahon, sino ako? Saan ang simula at tuldok ng aking pagkatao at espiritu? At sa walang hanggang kalawakang nilikha ng pinakapangyarihang Lumikha, sino ako? Ano ang halaga at kahulugan ko?
Pakiwari ko lang, mga tanong na ito ang naitanong din ni Armstrong pagbalik niya sa mundo, na sa tahimik niyang retirement at malalim na pagmumuni-muni sa kanyang pambihirang karanasan. Napakatiting at napakasaglit na glorya ng Maykapal ang namalas niya. Ngunit sapat na ito upang habang buhay ay malunod siya sa pagpapakumbaba.
‘Di iilan ang nagtatanong: ano ang halaga ng space explorations sa pagpapabuti ng buhay ng tao sa mundo? Bilyong tao ang nagugutom, alipin ng walang pangalang dusa at kahirapan. ‘Di ba ito dapat unahin, agad bigyan ng lunas?
Sa aking pag-iisa, kalimitan ako’y tumatangis habang namamasdan ko ang gutom at kahirapan sa aking paligid. Bakit nais ng tao lakbayin ang karurukan ng langit kung dito sa mundo ay kailangan niyang maglikha ng langit sa kanyang kapwa?
Mga tanong na tila along humahampas sa kapwa alon.
SAMUT-SAMOT
ANO PANG ginagawa ni Joe “Peping” Cojuangco sa sports development program? Bakit siya pa ang chair ng Philippine Olympic Committee (POC)? Tama ang winika ni Sen. Antonio Trillanes IV na si Cojuangco ang main stumbling block sa kaunlaran ng ating sports. Bakit ‘di pa niya ipaubaya ang tungkulin sa batang dugo at batang talino? Masyado nang nahaluan ng pulitika ang larangan ng sports. Mga kapit-tuko ang amoy-lupa na pulitiko. Nakaraang ASEAN Games at London Olympics, kulelat, kalabasa tayo. Bakit manhid si Cojuangco?
BUTI NA lang nakabawi tayo sa 34th Jones Cup basketball tournament sa Taiwan. Salamat sa superb coaching ni Chot Reyes at heroics ni L.A. Tenorio. Malaking bawi ito pagkatapos ng sunud-sunod na debacle natin sa international competitions. Sigaw ng marami: L.A. is our guy!
MAHALAGA SA kalusugan ang daily exercise. Lalo na sa isang diabetic na katulad ko. Tread mill at walking sa park ay pinagsasalit ko. Sarap ‘pag pinagpapawisan. Malaking improvement sa breathing at pagluluwag ng baradong arteries sa puso. Kailangan ang strong will power. Mahirap nang ma-ICU. Sakit o atake sa puso ay parang magnanakaw sa gabi. Bigla ang pagdating. Kaya blood pressure check-up araw-araw kailangan din. ‘Wag magtipid o magpabaya sa kalusugan. Napakahirap maratay sa sakit. Bukod sa malaking perwisyo, magastos. Mag-ingat.
TALO SI Sen. Tito Sotto sa isyu ng plagiarism. Dapat tumahimik na lang siya at patalsikin ang staff na nagpahiya sa kanya. Walang duda ang paggamit ni Sotto na walang attribution ng ideya ng iba. Intellectual dishonesty at ito’y big no-no sa mga manunulat o mamamahayag. Isang dating sikat na Inquirer columnist ang nasangkot sa ganito. At ‘di na nakabalik sa kanyang propesyon.
MAG-IISANG TAON na subalit ‘di pa nangingitlog ang mga alaga kong lovebirds. Dapat dumami na sila para lalong maingay at masaya ang aking aviary. Nakagigiliw ang mga ibon pagmasdan habang lumilipad. At tumutuka ng pagkain. Wala silang pakialam sa buhay at mundo. Walang problema kaya masasaya. Isang pares ng lovebirds ay nagkakahalaga ng P1,000. Depende ito sa kulay at breed. Malaki na rin ang investment ko. Subalit sulit ang kasiyahang dinadala sa akin.
FOR KEEPS na kaya ang rumored love affair nina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban? O gimik lang kasi may binabalangkas na bagong pelikula. Napakapalad na tao si John. Matulungin at napakabait na anak. Sana’y matuto siyang mag-invest for the rainy days. ‘Pag nalaos na, tapos na ang maliligayang araw. Maraming dating sikat na artista ang naging ganito ang kapalaran.
SA MGA hanay ng showbiz tabloids, panalo ang Pinoy Parazzi. Alas-otso pa lang, ubos na sa mga magazine stands. Tatlong kopya ang rasyon ko bawat labas. At ito’y pinag-aagawan ng mga kasambahay at tsuper ko. Kaiba ang mga balitang exclusive at pictorials. Malulusog na tsismis at intriga ‘di lamang sa larangan ng pelilkula, kundi pati sa pulitika. Super din ang layout. Cheers!
SARI-SARING INGAY ang naririnig tungkol sa RH bill. Hati sa gitna ang bayan. At maraming pulitiko ang nakikisawsaw. Ako’y kasapi ng Simbahang Katoliko. Bilang kasapi, obligado akong sundin ang mga patakaran at posisyon nito sa RH bill. ‘Di ko malaman kung bakit maraming Katoliko ang umaayon sa bill. Kung ganito ang kanilang posisyon, makabubuti na suriin nila ang pananatili sa simbahan.
MALAKING BAGAY ang 20% senior citizens’ discounts sa gamot. Hamak mo kung wala ito. Kami ng maybahay ko ay p’wede nang stockholders ng Mercury Drug. Halos kalahati ng aming buwanang gastos ay nagugugol sa gamot. Kawawa ang maraming dukha at kapos. Nagtitiyaga sa herbal medicines na karamihan ay walang bisa.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez