Ang More Than Blue ay Pinoy adaptation ng South Korean classic film with the same title na ipinalabas noong 2009.
Present sa event ang cast ng pelikula na pinangungunahan nina Yassi Pressman at JC Santos. Dumating din sina Diego Loyzaga kasama ang girlfriend na si Barbie Imperial, Ariella Arida at ang direktor ng pelikula na si Nuel Naval.
Sa loob ng sinehan ay matinding ipinatutupad ang social distancing. Dalawang chair ang agwat nito sa bawat nanonood at kahit nasa loob ng movie house ay dapat nakasuot pa rin ng face mask.
Ang More Than Blue ay tungkol sa kwento nina K (JC) at Cream (Yassi) na parehong ulila at nakatira sila sa iisang tahanan.
Si K ay inabandona ng kanyang nanay nang mamatay ang tatay nito dahil sa kanser. Si Cream naman ay namatayan ng buong pamilya dahil sa isang car accident.
Nang malaman ni K na siya ay may taning na ang buhay dahil sa malalang stage ng cancer, inilihim niya ito kay Cream at tinulak pa niya itong makapag-asawa ng isang mabait at malakas na lalaki sa katuhan ni John Louis (Diego Loyzaga).
Lihim na itinago ni K ang sakit a kanyang puso tuwing makikita niyang magkasama si Cream at John. Ngunit sa isang banda ay naging panatag din siya dahil hindi na maiiwanang nag-iisa ang kababata.
Ipinakita ng pelikula ang matinding sakripisyo ni K para ipadama kay Cream ang kanyang wagas na pagmamahal. Pero lingid sa kaalaman ni K ay lihim din pala siyang minamahal ni Cream. Kahit pinakasalan ni Cream si John ay si K pa rin ang itinitibok ng kanyang puso.
Nakakikilig ang mga eksenang para silang nagtataguan ng kanilang tunay na nararamdaman sa isa’t isa. Napakaganda ng kanilang on screen chemistry.
Mas tumindi ang bugso ng damdamin sa mga huling bahagi ng More Than Blue kung saan malapit nang mamatay si K. Sinulit ni Cream ang mga nalalabing panahon ni K para makasama ito at ipakita ang kanyang pagmamahal dito.
Nakakaiyak ang eksenang nagpapaalam na si K kay Cream na labis niyang minahal. Gustuhin man niyang makasama pa ang dalaga pero hindi na talaga puwedeng madugtungan ang kanyang buhay.
Grabe ang iyak ni Yassi sa eksenang pumanaw na si K. Bakas ang matinding sakit, lungkot at pangungulila sa kanyang mukha. Hindi na rin napigilang maiyak ng mga nanonood sa naturang eksena na talaga namang ang bigat sa dibdib.
Ipinakita rin sa pelikula ang kaawa-awang karakter ni Diego na umaasang mamahalin siya ni Yassi pero hindi naman nangyari kahit namatay na ang karakter ni JC. Dinamayan ni John si Clear sa bawat pagdadalamhati nito dahil sa pagpanaw ni K.
Kumbaga, siya yung literal na umasa pero nabigo. Ang maganda lang kay Diego, hindi rin talaga siya sumuko.
Anyway, nakaka-shock ang ending ng More Than Blue dahil namatay din ang karakter ni Yassi. Sa Korean version ng pelikula ay nag-suicide ito, pero dahil hindi katanggap-tanggap sa mga Pilipino ang ganitong kultura kaya sinadyang ibahin ito ni Direk Nuel.
“Hindi yan uso sa ating mga Pinoy at hindi kakayanin ng konsensya namin na para kang nag-i-encourage mag-suicide kaya inalis namin yon. Iniba namin yon,” paliwanag niya.
Kapwa mahuhusay din ang lead stars ng More Than Blue pero ayon sa direktor si Yassi ang revelation sa pelikula.
“Si JC kasi matagal ko na siyang naka-work, sa Miracle In Cell No. 7 at sa tatlong MMK kaya alam ko na yung kapasidad niya as an actor.
“Si Yassi first time, napapanood ko lang siya sa Ang Probinsyano at sa ibang movies niya dati. So, revelation siya for me. Habang ine-edit ko, ‘Ang galing ni Yassi!’ Hindi ko na-expect na ang husay niya. Ang laki ng maturity niya as an actress at proud ako na ang galing niya dito. Mahusay siya talaga!” pagmamalaki ng direktor sa performance ng lead actress.
Samantala, may dalawang butt exposure si JC sa pelikula – isa habang nagpapalit siya ng shorts at habang naliligo sa shower.
Kaabang-abang din ang ang twist ng pelikula na sa bandang dulo ipakikita. Ang linis ng editing ng More Than Blue at ang ganda ng musical scoring at cinematography nito. Napakalaking bahagi rin ng kantang Kahit Kailan sa development ng istorya ng pelikula.
Streaming na ngayon sa Vivamax ang More Than Blue.