PAGKATAPOS ng acting stint ni Yassi Pressman sa teleseryeng Ang Probinsyano ng Kapamilya channel ay sasabak naman sa hosting job ang dating leading lady ni Coco Martin. Si Yassi ang host ng Rolling In It Philippines na produced ng Viva Entertainment at mapapanood sa TV5.
Ang Rolling In It ay Pinoy version ng number one game show ng United Kingdom noong 2020.
Paano nga ba naghanda si Yassi bilang isang game show host?
“Bilang paghahanda, binabasa ko po nang binabasa ang script, hindi rin naman malayo do’n sa pinanggalingan ko (pag gawa ng teleserye),” tugon ni Yassi sa ginanap na virtual presscon ng TV5.
“Isa pang kailangan ko ring pag-aralan, dapat ay alam na alam ko yung mechanics ng game kasi pag alam mo na yung mechanics susundan mo na lang yon tapos kung anumang mangyari, kung anong kuwento ang lumabas, okey lang basta hindi ka mawawala.
“You can bring yourself to their stories, or sa kalokohan o kung anumang maganap, pero kailangan talagang iniisip yung mechanics kahit pa anong mangyari,” dagdag pa ng actress turned game show host.
Inamin din ni Yassi bilang baguhang host ay humingi siya ng tulong sa isang male celebrity host para maging epektibo siya sa kanyang gagawin.
“Yes, si Robi (Domingo). He called me, binigyan niya pa ako ng napakaraming mga pointers, “Just go Yas, be yourself, just have fun.’ Tapos meron pa siyang mga nakakatawang sinabi pero hindi ko na po yon ikukwento,” natatawang pagbabahagi ni Yassi.
“Thank you Robi. Thank you and I love you,” pasasalamat pa niya sa Kapamilya host.
Bilang game show host ay natanong din si Yassi kung masasabi din ba niyang isa siyang risk taker.
Ani Yassi, “Yes, I am a risk taker. I think I was just push when I was younger siguro na… even with our dreams, when I wanted to achieve something na minsan impossible, I would just go for it. Kung hindi man mangyari yon at least I tried. So, yeah I think I am a risk taker.”
Biggest risk din daw niyang maituturing ang pag-alis sa FPJ’s Ang Probinsyano.
“Ah… that was,” pag-amin niya. “Pero that happened din po kasi becase of schedule, dahil po mahirap na rin yung lock-in (taping). Pero sobrang thankful ako sa Dreamscape at sa ABS-CBN, especially kay Coco na gumawa ng script.
“Alam mo yon, yung nangako siya na magkakaroon ng magandang exit si Alyanna and I appreciate that he appreciated me at yung impact ni Alyanna sa kuwento. Sana po ay patuloy ninyong suportahan ang Ang Probinsyano every weeknights po yan dito sa TV5,” sabay plug niya sa dating kinabibilangang teleserye.
Ayon pa kay Yassi, gustuhin man niyang mag-guest si Coco o ang ibang kasamahan niya dati sa FPJAP ay mukhang malabo raw itong mangyari dahil sa pagkakaalam niya ay may matagal na lock-in taping ang cast.
Anyway, hindi rin isinasara ni Yassi ang posibilidad na makapag-host ng isang talk show in the future.
“I haven’t tried, pero you just deal with everything that’s given to you when there’s an opportunity. Kung may magtitiwala I’ll just grab that chance and will try my best,” sabi pa niya.
Mapapanood ang Rolling In It Philippines sa TV5 sa June 5.