NOONG IKA-19 ng Pebrero, nakiisa tayo sa Chinese community sa bansa sa pagsalubong ng Chinese New Year. Nariyan ang pagkain natin ng masasarap na tikoy. Kasali rin ang pagsunod natin sa mga Feng Shui experts. Hindi rin mawawala ang pakikisaya natin sa dragon dance. At siyempre, nariyan din ang sabay-sabay nating pagsalubong sa Year of the Goat. Pero kung mapapansin mo ang iyong kapaligiran mga ate at kuya, lalo na ang social media sites, maraming kabataan ngayon ang luma-love life at humuhugot ngayong taon. Buwan na nga ng Feb-ibig, New Year na, at Year of the (Hu)goat pa!
Naging laganap sa social media, ang mga memes na may mga patama at hugot. Malamang sa malamang nag-like o kaya nag-share ka na ng mga ganitong klaseng memes:
- Makati = minsan lugar, madalas ikaw
- Balimbing = minsan prutas, madalas ikaw
- Mabagal = minsan pagong, madalas relasyon
- Options = minsan settings, madalas ako
- Higad = minsan uod, madalas ikaw
- Sinigang = minsan maasim, madalas ikaw
- “What’s on your mind?” = minsan tanong, madalas ikaw
- Sayang = minsan pagkain, madalas tayo
- Single = minsan motor, madalas ako
- Tadhana = minsan pelikula, madalas wala
Mga kabataan nga naman ngayon, parang may pinagdaraanan sa pag-ibig dahil kung makahugot, wagas!
Napapanahon din ang pag-showing ng pelikulang That Thing Called Tadhana, kung saan maraming mga bagets talaga ang may hugot feels sa pelikula. Nariyan ang gasgas na mga salita na “hahanapin ko ang sarili ko”, “paano nga ba makalimot?”, “bakit niya ako hiniwalayan?”, “you had me at my best, she had me at your worst and you chose to break my heart”, “sana ako na lang, ako na lang ulit.”
Sa darating na March 15 naman, magdadaos ng concert dito ang sumulat at kumanta ng mga hugot songs na si Ed Sheeran. Paniguradong marami ang magtutungo sa SM Mall of Asia para makanood ng hugot concert of the year at sasabay sa kanta ni Ed Sheeran gaya ng sikat na sikat na Thinking of You.
Kung hindi naman umabot ang ipon sa darating na March para sa concert ni Ed Sheeran, huwag mag-alala dahil para sa mga humuhugot na bagets diyan, si Sam Smith naman ang magdadaos ng kanyang The Lonely Hour Tour sa darating na May 10. Naku, maraming bagets ang paniguradong relate na relate hindi lang sa mga kanta ni Sam Smith lalo na sa pinagdaraanan niya lalo na ngayon na kahihiwalay lang nila ng kanyang boyfriend. Sasabog nga naman talaga ang hugot feels sa The Lonely Concert na ito.
Kung miyembro ka naman ng samahan ng mga bagets na hindi maka-move on sa nakaraan, aba, maki-throwback sa mga kanta ng all time favorite boy band group ng lahat, ang Backstreet Boys. Humugot sa past, at maki-jamming sa mga throwback hugot songs nila sa kanilang darating na concert sa May 5.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo