GRABE ANG LAKI ng ipinayat ni Jayke Joson, ang isa sa mga business managers ni Manny Pacquiao, at ngayon ay tumatayong manager na rin ni Mommy Dionesia (Dayo-nee-sia). Siya rin ang nagbalitang soon, may laundry soap commercial na ang sumisikat na karakter na nanay ni Pacman at may mga alok na rin dito to do TV and movies.
Halos hindi namin nakilala si Papa Jayke nang magkita-kita kami nina Pacman last time. Mas kinausap ko nga siya kesa kay Pacman dahil very inspiring talaga ang nangyaring pag-lose niya ng timbang na sa totoo lang, nagpamukhang bata at ‘fit na fit’ sa kanya.
Last February lang daw niya ito sinimulang gawin nang i-motivate sila sa Team Pacquiao ng mismong Pambansang Kamao. Sinabayan niya ang training nito at never niyang na-deprive ang sarili ng mga pagkaing madalas niyang lantakan.
“Exercise talaga at determinasyon,” ang pahayag ni Jayke nang muli namin itong makasama sa Bisoria, Quezon last Friday kung saan muli kaming namiyesta kina ‘Nay Cristy Fermin at nakigulo sa paghahatid ng saya sa mga kababaryo at kababayan nila du’n.
Ang ending ng usapan namin ni Jayke, ang ‘deal’ nito na hamunin din namin ang aming sarili na magpapayat at maging fit gaya niya.
Kung nagawa nga niyang paliitin mula sa 36″ ang kanyang waistline hanggang sa 28″, at mula sa 180 lbs to now 150, aba’y dapat din daw na kayanin namin.
Mahaba-haba at sobrang hirap na kariran ito for sure, pero kapag naman talaga nakikita namin si Papa Jayke, parang ang sarap gawin lalo pa’t may extra challenge siyang prinamis, hahahaha!!!
SPEAKING OF THE said fiesta, noon lang uli namin nakita ang husay ni Yeng Constantino. Kung dati ay nasusulat na pasaway ito, naku pabubulaanan naming lahat iyan dahil punumpuno na ito ng karapatan para tawaging “prime artist.”
Mas gumanda ang boses nito ngayon, kontrol na kontrol niya ang mga nota, at higit sa lahat ay nahahawakan niya ang audience hanggang sa dulo. Wala siyang kinanta na hindi sinabayan ng mga tao, pagpapatunay lamang na ganu’n siya ka-popular.
Mabenta rin si Bugoy Drilon. Kahit pa nga medyo pumalpak sa unang bahagi ang sound system , kering-keri rin niya ang reaksiyon ng mga tao. Malakas ang tilian sa kanya ng mga kabataang babae.
Hindi naman nagpakabog sa kanyang maalindog na dance numbers si Saicy. Napakahusay nitong mag-project at kahit na maliit ang stage, nagawa ng dance partner niyang si Rodel na pasiglahin at painitin ang mga mata ng manonood.
Siyempre hindi namin kalilimutan ang mga stand-up comedians na sina Funnyman Eric at Tuko. Swak na swak, timpladong-timplado at pasok sa banga kumbaga ang kanilang ‘act.’
Kahit ang Bise-Gobernador na si Edward Joson, napapalakas ang halakhak sa kanilang mga pagpapatawa.
Si ‘Nay Cristy ang nagsilbing hermana mayor ng naturang okasyon na ilang taon na rin naming nadadaluhan at nae-enjoy nang todo-todo. Ramdam na ramdam ng mga kababaryo ni Nanay ang mga suporta at pagmamahal ng mga nabanggit na artista at nina Jayke Joson at Manny Pacquiao, at maging nina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla at OMB Chairman Edu Manzano.
Showbiz Ambus
by Ambet Nabus