MALI ang akala ng marami na si Manila Mayor Isko Moreno ang producer ng musical film na Yorme: The Isko Domagoso Story na ipapalabas sa mga sinehan sa Dec. 1.
Fake news ito dahil ang totoong producer ng Yorme ay ang Saranggola Media Productions na producer din ng 2019 MMFF movie na Suarez: The Healing Priest.
Ayon sa director ng pelikula na si Joven Tan, ang tanging involvement ni Isko sa Yorme ay ang pagtitiwala niya sa Saranggola na gawing pelikula ang kanyang buhay at ang pagna-narrate niya sa pelikula. Ipinaubaya din ni Isko sa producer kung aling institusyon ang magiging beneficiary ng ibabayad para sa kanyang story rights.
“Kinausap namin siya ni Ms. Edith Fider (producer) na kung pupuwede ay gawan namin siya ng biopic kasi napaka-inspiring ng kanyang life story di ba? And pumayag naman agad siya. Yon nga lang meron siyang kondisyon – dapat daw yung mga totoong nangyari lang sa buhay niya ang ilalagay namin sa pelikula,” sey ng direktor.
Dagdag pa niya, “Habang binubuo namin ang Yorme noon ay hindi namin alam na mahihikayat siyang tumakbo sa pagka-presidente. Wala kaming ideya. Matagal yung naging proseso namin bago mabuo itong project, two years din yon, tapos nag-pandemic pa kaya hindi rin agad naipalabas.”
Samantala, bida sa Yorme sina Raikko Mateo (bilang batang Isko), McCoy de Leon (teenager na Isko) at Xian Lim (present generation Isko). Mayroong 15 original songs ang pelikula na sinulat lahat ni Joven na kilala ring award-winning songwriter.
Kasama rin sa pelikula ang ilang dating miyembro ng That’s Entertainment na sina Tina Pander, Monching Gutierrez, Jestoni Alarcon, Bryle Mondejar, Jojo Abellana, Jennifer Mendoza, Jovit Moya, Manolet Rippol, Jojo Alejar, Lovely Rivero, Keempee de Leon, Ricky Rivero, Karen Timbol, Jeffrey Santos at Maricar de Mesa.
Gagampanan naman ni Janno Gibbs ang character ni German ‘Kuya Germs’ Moreno na producer at host noon ng youth oriented show na That’s Entertainment na naging daan para makilala si Isko sa showbiz.
Yorme is distributed by Viva Films at mapapanood sa mga sinehan sa Dec. 1.