ANG GALING AT kahinaan sa pagganap ng mga artista ay hindi masusukat sa kung paano natin napapanood ang tapos nang produkto. Puwedeng napakagaling ng ipinakitang pagganap ng isang aktor sa eksenang napanood natin, pero ang eksena naman palang ‘yun ay inabot ng take seven, ibang-iba pa rin ang kaginhawahang nararamdaman ng direktor at ng production staff kapag magaling ang artista at palaging take one lang.
Sa set ng isang teleseryeng may numero ang titulo ay gusto nang lumuha ng bato ng ilang taga-produksiyon dahil sa kahinaan sa pagganap ng isa nilang artista.
Sabi nga ng isang aktres na nakaeksena noon ng pinoproblemang baguhang aktor sa serye, “Halos dumugo na ang mga kamay ko sa pagsampal sa kanya, pero wala talagang mailabas na acting ang batang ‘yun!
“Take six na kami, mahapdi na ang mga palad ko, pero talagang parang nakikipag-eksena pa rin ako sa isang tuod!” kuwento ng kontrobersiyal na aktres.
Maraming nakapansin na sa teleseryeng may numero ang titulo ay malaki na ang iniusad ng pagganap ng young actor, meron na siyang emosyon ngayon, hindi tulad noon na literal na literal na tuod ang kanyang dating sa mga eksena.
Pero pagkontra ng isang impormante mula sa loob, totoo raw na malaki na ang natutunan sa pag-arte ng young actor kumpara noon, pero may kuwento pala tungkol du’n.
Sabi ng impormante, “’Yung napapanood n’yo, sakit ng ulo naman ng production ang pinagdaanan nu’n dahil talagang guwapo lang si ____(pangalan ng young actor), pero hindi siya nakaaarte.
“Dumaan na siya sa workshop, talagang pinagtiyagaan na siya, pero ganu’n kasi talaga. Kung wala kang talent, wala talagang lalabas. Makatutulong ang workshop, pero wala ring mangyayari kung wala talagang alam ang artista.
“’Yung paminsan-minsang take 4, pasable pa ‘yun, e. Wala namang artistang perpekto, pinakamagaling mang artista, puwedeng maging mapurol din paminsan-minsan.
“Pero kung palagi namang take 5 or take 6, teka muna, hindi lang ‘yun pag-aaksaya ng negatibo, malaking sakit ng ulo rin ‘yun sa staff and crew,” pahayag ng impormante.
Nu’ng minsan nga raw ay nagkatawanan sa set dahil umeksena ang isang tagatimpla ng kape. Dahil paulit-ulit ang eksena ng young actor ay nakabisa na ng “coffee maker” ang kanyang mga dayalog, kaya ito na ang naglitanya nu’n.
“At memorized niya na talaga ang mga lines nu’ng nakasalang, ha? At may diin siya, may emotion, samantalang ‘yung artistang kinukunan, nagkakabulol-bulol sa mga dialogues niya!” kuwento pa rin ng aming source.
Ang young actor na bida sa kuwentong ito ay produkto ng isang malaking bahay, walang nagawa ang pambansang kuya sa kanyang acting, guwapo lang talaga siya pero hungkag sa emosyon.
ANG PAGKAKAOSPITAL NI Martin Nievera pagkatapos ng matagumpay nilang concert ni Gary Valenciano ay isa nang malinaw na senyal na kailangan nang pangalagaan ng Concert King ang kanyang sarili.
Kailangan niya nang magbawas ng timbang dahil ayon sa mga kaibigan naming nanood ay medyo nahihirapan na siyang abutin ang matataas na tono, may hingal factor na si Martin, samantalang si Gary V. ay punumpuno pa rin ng energy hanggang sa huling kanta nila.
“Nahihirapan na siyang kumanta, napapagod siya agad, pero naging emotional ang audience nu’ng makita siyang umiiyak. Kinanta nila ni Gary ang “Take Me Out Of The Dark”, kitang-kita sa wide screen na umiiyak si Martin,” balita sa amin ni Japs Gersin na gumamit ng ticket namin para sa konsiyerto.
Napakaganda raw ng concert, mula umpisa hanggang sa huli ay wala kang itatapong bahagi, dahil talagang ibinigay nina Martin at Gary ang lahat-lahat para sa kanilang mga tagasuporta.
“Paano namang hindi made-dehydrate si Martin, e, dalawang oras silang kumanta nang kumanta, ang ganda-ganda ng show! Hindi ka maiinip, masaya!” papuri pa ni Japoks.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin