BLIND ITEM: IPINAGPAPASALAMAT ng isang baklang empleyado na nakaalis na siya sa pinagtrabahuhang salon na pag-aari ng isang kilalang aktres. All-around ang naging trabaho niya sa establisimyentong ‘yon, na kung tutuusin ay maayos naman daw magpasuweldo.
Hindi ang amo niyang aktres ang kanyang inirereklamo, kundi ang dalawa nitong kapatid na babae. Of her two sisters, mas sikat ang bunso palibhasa’y isa sa mga pambatong young actress ng isang malaking TV station. May regular itong teleserye, “pilantod” kung tawagin siya sa kuwento kung saan ang bida’y siya ring pangalan at pamagat ng naturang panoorin tuwing gabi.
“Ay si (pangalan ng young actress)? Naku, nuknukan ng sungit ‘yung batang ‘yon, ang arte-arte pa! ‘Pag hindi naman sinasadyang saktan siya ng nipper ‘pag nagpapa-cleaning siya ng paa, sisigaw na lang ‘yan ng ‘Aray, aray… ano ba, you’re hurting me!’ O, kaya naman ‘pag inaayusan mo siya ng buhok, puro pintas ang maririnig mo. ‘Hindi ko type ang ginagawa mo sa hair ko, ha? Ang pangit!’ Imagine hindi naman siya ang may-ari ng salon kundi ‘yung ate niya. Bale ba, hindi naman sole proprietorship ‘yun, dahil meron ding mga kasosyo ru’n ang ate niya. Hindi na nga siya nagbabayad, nagtataray pa siya!” kuwento ng aking source.
Mabuti-buti na raw sana kung tini-T.Y. na nga lang niya ang serbisyo sa salon. “Mate-take na nga naming ‘yung pagtataray ng batang aktres na ‘yon nang wala sa lugar, kaso ‘in-award’ ka na’t lahat nang bonggang-bongga, eh, wala man lang tip!” dagdag pa ng aking impormante.
Ibang-iba raw ang young actress na ‘yon sa kanyang ate, mahigpit kung sa mahigpit bilang negosyante, pero nasa katuwiran naman daw ito kung nagagalit paminsan-minsan. Hindi raw katulad ng batang aktres, na mukhang maamo lang daw ang mukha pero may kamalditahang itinatago sa katawan.
Kung kulang pa ang ibinigay kong clue, isang sikat na chain of department stores ang kanyang initials. Nauugnay siya ngayon sa isang kontrobersiyal na aktor, na habang karelasyon niya ang isang matangkad na aktres na dating international beauty queen ay diniskartehan din niya ang malditang young actress.
O, Dani Flores, kabubukas pa lang ng klase nitong June, huwag mong sabihing repeater ka sa susunod na school year, ‘noh! Iniba ko lang daw ang standar closing paragraph ng mahal kong si Cristy Fermin na magbe-birthday na sa July 23, o!
SIMULA NA NGAYONG Lunes alas-sais ng gabi hanggang Biyernes ang bagong aabangan at katatakutang first ever vampire drama series on Philippine TV on TV5. Pinamagatang Split, mga Israeli actors ang mga bida sa Tagalized version nito. Siyempre, the so-called Promised Land (ayon nga sa Bibliya) boasts of handsome men and beautiful women, a refreshing breather from the Mexican, Korean and Taiwanese beauties who have invaded Pinoy TV.
Interestingly, ang Split ay hit na hit sa mahigit tatlumpung bansa from Europe to Latin America. Around seven million viewers in Israel have been its avid supporters. And what a timely treat on TV lalo’t patok na patok ang Twilight series (now on its third installment) na kuwento rin tungkol sa mga bampira.
Human blood, anyone?
‘>MAMAYANG HAPON NA magsisimula ang Hole in the Wall nina Michael V at Ogie Alcasid bago mag-Langit sa Piling Mo.
At least nilinaw ni Michael V na hindi na siya ‘yung nasa blind item na comedian/TV host na gustong kunin ng ABS-CBN 2.
Nu’ng mag-guest nga ito sa Startalk, sinagot nitong walang alok sa kanya at hindi nga raw siya ‘yun. Ibinuking tuloy ni Joey de Leon na hindi nga siya kundi si Roderick Paulate pala. Hindi nga lang tinanggap ni Roderick dahil naging abala na siya noon sa pangangampanya sa eleksiyon.
Mabuti na lang at ni-reveal ‘yun ni Joey para matigil na rin daw ang katatanong kay Bitoy, kung siya nga itong gustong piratahin ng Dos.
Abangan n’yo na lang itong Hole in the Wall nina Bitoy at Ogie dahil iba-ibang karakter ang gagampanan nila rito. Hindi lang ‘yung kina Yaya at Angelina.
Pepperoni
by Ronnie Carrasco III