HINDI PALA ordinaryo ang nabuwag ni Commissioner Ruffy Biazon na sindikato sa loob ng Bu-reau of Customs (BOC).
Kung dati’y mga pulis at ilang tiwaling kawani ang sumasabit sa pamemera at pango-ngotong, ngayo’y may mga broker nang pinasok na rin ang extortion activities sa Aduana.
Kung dati’y sila ang hinihingian, sila na pala ang nanghihingi. At may pananakot pa ang mga hinayupak!
Matatandaan na dalawang broker umano ng Jade Brothers Brokerage ang kasama sa pitong “hao shiao” na empleyado ng BOC na ipinaaresto ni Comm. Biazon dahil nga sa ginagawang pangongotong sa mga lehitimong importers/brokers.
Hindi kaya parekoy, wala na silang kinikita sa brokerage kaya pati extortion eh, pinasok na rin nila?
Eh, kasi nga naman, wala na talagang kikitain ang mga brokerage na gumagawa ng iligal sapagkat mahigpit na ang kautusan ni Biazon laban sa smuggling activities diyan sa Aduana.
Siyempre, para makapangotong eh, nagpanggap silang empleyado ng Customs. Kasama, parekoy, sa kanilang props ang pekeng ID at isang opisina sa loob mismo ng bureau.
Kinilala ang mga nadakip na sina John Christian Sabiduria, Keneth Neric, Luisito Durante, Jessica Mendoza, Brahian Ngojo, Rafael Felipe at ang mga broker ng Jade Brothers Brokerage na sina Wilfredo Sagaral at Roberto Sagaral.
Sa isang kuwarto kung saan nahuli ang mga “hao shiao” na ito, nasamsam ang nagkalat na mga dokumento tulad ng load port survey, entries at listahan ng consignee at brokers. Patunay ito na talagang may iligal na operasyon sila sa loob ng Aduana.
Tinutuklas na ngayon ni Biazon kung sino ang kanilang protektor sa BOC para magawa ang ganyang iligal na gawain. Ang lalakas ng loob ng mga hinayupak!
Pero hindi sila siyempre uubra kay Comm. Ruffy na nag-utos nang tuluy-tuloy na kasuhan ang mga nahuling suspek.
Itong ginagawa ni Biazon na pag-lilinis sa kanyang bakuran ay bahagi ng programang “transparency, accountability at professionalism sa bureau”.
Kailangan talaga niyang gumawa ng sampol upang ang sino mang ayaw tumigil sa kanilang kalokohan ay matakot at maisip na hindi siya nagbibiro sa pagwalis sa mga bugok at bulok sa kawanihan.
Samantala, kung susuriin ang mensahe ni Consumer advocate Raul T. Concepcion, Government Watch chairman, sinasabi nitong… “BIAZON IS THE MAN” para sa BOC dahil sa programa niyang transparency, accountability at pagiging propesyonal para sa pagpapaigting ng koleksyon ng buwis sa BOC.
Ayon pa nga kay Concepcion… “The Bureau of Customs is a major lifeblood of our country’s fiscal health. We need men with integrity to run the bureau. It will be a major setback if not so and will mean substantial losses in government revenues.”
Heto rin ang masasabi natin, parekoy. “You’re the man Commissioner Biazon!”
Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303