TAONG 2005 nang maimbento ang YouTube. At isang taon lang ang nakalilipas mula nang ito ay maging bukas sa publiko, nailathala na agad ito bilang isa sa pinakabinibisita na site sa mundo ng Internet. Paano ba naman, kahit isang taon pa lang ang YouTube nang mga panahong iyon, may 20 milyong katao na agad ang bumibisita dito kada buwan; may 65,000 na videos na ini-upload kada araw na may 100 milyong views kada video. Kung iisipin, taong 2006 pa ang mga datos na iyan, malamang triple na ‘yan ngayon! Hindi lang diyan natapos iyan dahil magpahanggang ngayon, patuloy pa ring umuunlad at lumalaki ang YouTube.
Kabataan mula sa edad na 12 hanggang 21 ang mga pangunahing gumagamit ng YouTube. Kung iisipin nang maigi, halos hindi na nanonood ng telebisyon ang mga kabataan ngayon. Sa bagay, kasama na riyan ang kadahilanan na halos kakaunti na lang ang oras na inilalagi sa bahay buhat ng mga takdang aralin at proyekto sa eskuwela. Pagkauwi, gadgets tulad ng cellphone, tablet o PC agad ang hawak. Mas nanonood pa sila sa Youtube kaysa sa telebisyon.
Alam natin na gamit na gamit ng bawat isa sa atin ang YouTube. At habang patagal nang patagal, kay daming pagbabago ang nagaganap sa nasabing site na ito. Iyon nga lang, imbes na mapaganda, mukhang kabaliktaran yata ang nagaganap.
Isa na riyan ang mga ads sa simula ng video. Malamang sa malamang, kayo ay naiinis na rito sa mga tinatawag na “annoying ads” dahil kung minsan wala ka nang ibang magagawa kundi panoorin muna ito bago ang iyong napiling video. Ang mas nakaiinis ay kung mas mahaba pa ang ads kaysa sa sinearch mong video. Hindi natin maitatanggi ang pagiging “capitalistic” na ng Youtube. Kasi halos kasabay na rin nating tumanda ang site na ito na may buong pag-aakala na ang mas mangingibabaw dito ang sining kaysa sa pera. Ngunit, ngayon ay tila ba mas nananaig na ang kagustuhang kumita kaysa magpamahagi ng talento sa manonood.
Pangalawa sa pagbabagong naganap ay ang “buffer system” ng YouTube. Kung dati-rati, bago ka manood ng video, hinahayaan mo muna itong mag-load para tuluy-tuloy ang panonood. Samantalang ngayon, hindi mo na maaaring gawin iyan dahil hindi na ito maglo-load nang kusa. Ang tanging solusyon diyan ay mabilis na Internet connection. Ang paliwanag dito ay ganito na lang ang ginawang solusyon ng YouTube upang magbigay ng daan sa mga libu-libong videos na ina-upload kada araw. Ito ay ang cloud space na tinatawag.
Ang mga pagbabagong iyan ay nagpapatunay lamang na mas mabuti pang maging simple kaysa maging kumplikado. Kung minsan, sa kagustuhan nating sumabay sa takbo ng bilis ng panahon, mas nagiging kumplikado lang ang mga bagay-bagay. Kaya, YouTube? Anyare? Mas okay sana ang YouTube noon na ang pinapalabas ay mga videos na puno ng sining at hindi yaman ng bulsa.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo