AYON SA pag-aaral, ang colon at rectum cancers ay ang mga sakit na nakaaapekto sa mga kalalakihan at kababaihan sa ating bansa. Pumapangatlo ang sakit na ito sa mga kalalakihan at pang apat naman sa mga kababaihan. Edad 50 pataas ang kadalasang nagkakaroon nito.
Nakaaalarma, ‘di po ba? Kung kaya’t sa pagnanais ng PhilHealth na makatulong sa mga nagtataglay ng ganitong karamdaman, kamakailan lamang ay inilunsad nito ang Z Benefit Package para sa colon at rectum cancers. Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga mga pasyenteng nagtataglay ng ganitong karamdaman upang mapagaan ang kanilang pinansiyal na pasanin.
Sa pamamagitan ng Z Benefit Package para sa colon at rectum cancers, ang mga gastusin sa pagpapagamot at pangangalaga sa mga nasabing karamdaman ay sagot na ng PhilHealth. Kailangan lamang pumasa sa selections criteria ayon sa pamantayan ng mga eksperto sa sakit na ito upang magamit ang mga kaukulang benepisyo.
Ang Z Package para sa pangkalahatang gamutan para sa colon cancer Stages I-II (low risk) ay P150,000.00, samantalang ang para sa Stages II (high risk) to III ay P300,000.00 Ang benepisyo naman para sa rectum cancer Stage I (clinical at pathologic) ay nagkakahalaga ng P150,000.00. Para naman sa Stages II-III ng rectum cancer na ginamitan ng linear accelerator bilang radiotherapy, P400,000.00 ang sasagutin ng PhilHealth. Babayaran din ang pre-operative clinical stage I na nagkakahalaga ng P400,000.00, ngunit kailangang may post-operative pathologic Stages II-III gamit ang linear accelerator bilang radiotheraphy. Ang babayaran naman ng PhilHealth para sa cobalt bilang radiotheraphy ay P320,000.00.
Upang maka-avail ng benepisyong ito ay kailangang pumasa sa selections criteria na itinakda ng PhilHealth. Ang mga bago lamang na-diagnose na may mga ganitong uri ng karamdaman at hindi pa nalapatan ng anumang uri ng serbisyo para sa mga nasabing sakit ang kwalipikado at maaaring maka-avail nito. Ang mga hindi naman papasa sa selections criteria ay babayaran gamit ang ating Case Rate.
Alam namin na ang pagkakaroon ng cancer ay nanganagailangan ng matagal at mahal na gamutan, kung kaya’t nais naming maipadama sa aming mga miyembro na ang PhilHealth ay laging kaagapay sa oras ng pangangailangan. Ito ang dahilan kung bakit naglabas kami ng Z package para sa colon at rectum cancers upang matulungan at maibsan ang pag-aalala sa buhay. Ito na ang ika-labindalawa (Colon Cancer) at ika-labintatlong (Rectum) Z package na ipinagkakaloob ng PhilHealth sa mga miyembro at kanilang dependents.
Ang Z benefit package na ito ng PhilHealth ay malapit na nga pong maavail sa mga pampubliko at pribadong contracted Health Care Institution. Kaugnay nito, ang mga pagamutan at pasilidad na magnanais makiisa sa layuning ito ay maaari ng magpasa ng Letter of Intent (LOI), na may lagda ng kanilang Medical Director at nakasaad na ang kanilang pasilidad ay may kakayahang magbigay ng mga nasabing serbisyo. Marami nang nagsumite at nagpahayag ng intensyon upang maging contracted facility para sa mga nasabing pakete, at ito ay isa-isa na naming sinusuri.
Nais ko rin pong linawin na ang mga pagamutan na may layuning maging isa sa mga contracted na pasilidad ay kailangang sumunod sa “No Balance Billing Policy” o ang “Walang Dagdag Bayad” na polisiya para sa mga mahihirap o mga indigent at sponsored members nating mga kababayan. Samantalang ang fixed co-pay naman ay para sa mga miyembro (at kanilang mga qualified dependent) natin na hindi kabilang sa sponsored program.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442, mag-email sa [email protected], o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth at Twitter account, www.twitter.com/teamphilhealth.
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas