GAGANAP na isang beki (bading) si Zaijian Jaranilla sa Star Cinema movie na Boyette (Not A Girl Yet). Ayon sa binata hindi kaagad daw niyang tinanggap ang project nang i-offer sa kanya dahil maganda ang kuwento nito.
“Nung na-pitch po sa akin ni Direk Jumbo po ‘yung movie, sobrang interesting po kasi gusto ko rin po maalis yung image ko dati na Santino na kinapitan ng tao, gusto rin makita nila na kaya ko rin gumawa ng ibang role,” lahad ni Zaijian.
“Parang ang sa akin gusto ko lang po na mabago ang tingin ng ibang tao na hindi lang ako habambuhay na si Santino, pwede rin po ako sa ‘Boyette’ ganyan parang ‘yun din po ang gusto ko ma-achieve,” dagdag niyang pahayag.
Malaking challenge din daw para sa kanya ang karakter na ipoportray na talagang malayo sa kanyang tunay na pagkatao.
Ani Zaijian, “Gusto ko rin po siyempre na i-challenge ang sarili ko and I’m so happy po na nabigyan po ako ng ganitong opportunity. Sa tulong po ni Direk Jumbo, nakagawa po kami ng isang napakaganda at solid na pelikula.
“Sa totoo lang po, hindi po kami nagkaroon ng workshop kasi nagkaroon na rin po ng pandemic, ang hirap na din po mag workshop. Pero nung nasa set na po kami, sa tulong po ni Direk Jumbo, tapos ‘yung set namin puro po bading, so tinutulungan nila ako na ganito ang gawin ko, lambutan ko pa. Sobra po ang tulungan namin, kaya ito po ‘yung kinalabasan,” kuwento pa ng binatilyo.
Samanala, bukod kay Zaijian ay kasama rin sa Boyette na mapapanood sa iWant TFC at iba pang digital platforms sina Inigo Pascual at Maris Racal.