NANG TANUNGIN namin si Zanjoe Marudo kung sino para sa kanya ang sexiest woman, mabilis nitong sinabi na si Eugene Domingo. ‘Yung pangalan raw ni Uge ang agad pumasok sa isipan ng binata. Hindi raw ibig sabihin na kaya niya binanggit ang pangalan ng magaling na comedienne ay dahil may pelikula silang Kimmy Dora and the Temple of Kiyeme. Iba raw kasi ang pagka-sexy ni Eugene, iba sa paningin niya. Pero pagdating sa most beautiful face in local cinema, si Bea Alonzo ang number one para sa actor.
Kahit si Uge, si Zanjoe ang sexiest man para sa kanya. “Sa akin,’yung kabuuan, hindi dahil kailangang may abs. Nasi-seksihan ako sa kanya,” simpleng sagot niya.
Kung sakaling single at walang Bea sa buhay ngayon ng binata. May chance kayang ma-in love siya sa older woman? “Wala namang imposible, may nai-in love sa lalake sa lalake, babae sa babae, ‘di ba? Puwedeng mangyari, mahirap sumagot na hindi, ‘di ba? Baka sabihin kong malabo,hindi puwede, tapos mangyari,” say ni Zanjoe.
Tinanong namin si Zanjoe kung ano ang pagkakaiba nu’ng kissing scene na may halong comedy or kissing scene na may halong romance? “Actually, enjoy naman pareho, kasi parehong kissing scene ‘yun. At saka, naka-in character ka at kung papaano gagawin ang eksena. ‘Yung bang magki-kiss kayo, kasi masakit. Mayroon namang natutuwa dahil in love, ganoon naman, dahil comedy. Ginagawa ko lang naman ‘yun dahil hinihingi sa eksena, sa character. Hindi ko naman iniisip na may mahahalikan ako, hindi ganoon ang takbo ng utak ko. Kahit comedy, kailangan may feeling, kahit nakakatawa, kailangang matawa ang tao,” paliwanag ng morenong actor.
Pero inamin ni Zanjoe na nagkaroon siya ng attraction sa older woman noong bata pa siya. Napapanood niya noon ang mga artistang babae sa local films. “Kapag napapanood ko ‘yung mga artistang babae na mas matanda sa akin, lalo na ‘yung mga seksing pelikula. Hindi ko na lang maalala ang mga pangalan nila, kasi Betamax pa kasi.”
Sinabi rin ni Zanjoe kung gaano siya kasaya ngayon sa piling ni Bea. “Masayang-masayang-masaya ako sa personal kong buhay. Parang nahanap ko na ‘yung tao na masasabi ko nang perfect ‘yung ugali, ‘yung pagsasama namin. Parang nahanap ko ‘yung tao na puwede kong masabi na puwedeng makasama nang matagalan na habang-buhay. ‘Yun nga ang pinagdarasal ko, na sana…”
Paano nga ba mag-alaga ang isang Bea Alonzo? “Maalaga si Babes, alam mo ‘yun. Ang su-werte-suwerte ko, talagang ipararamdam niya sa ‘yo na mahalaga ka sa kanya. ‘Yun ang masarap na feeling, nararamdaman ko talaga. Laging ako ang una sa isip niya, alam mo ‘yun. Kapag wala siyang trabaho, gusto niya, magkasama kami. Gusto niyang makausap niya ako. So, parang ang sarap ng ganu’ng pakiramdam. Alam mo ‘yun, palagi kang hinahanap,” pagmamalaking turan ni Zanjoe.
Minsan ba, napag-usapan ninyo ni Bea ang tungkol sa kasal? “Hindi pa naman, ang utak ko nasa pagtatrabahong mabuti para sa future, sa magiging pamilya. Mag-ipon nang mag-ipon… siguro five years pa, para sa akin lang ‘yun. Pagda-ting siguro ng five years, pipilitin ko na. Hahaha! Malapit na naman kami sa tamang edad, ‘di ba? Dumating na ako sa punto na ganitong edad na hindi na ako para maglaro. Siguro nag-mature na ang isip ko pagda-ting sa relasyon. Tapos na ako sa punto na gusto kong ligawan at maging girlfriend. Sana walang mangyaring masama o pangit. Ngayon, trabaho lang talaga ako naka-focus,” pahayag ni Zanjoe.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield