HINDI GAGAYAHIN ni Zanjoe Marudo ang ginawa nina Sen. Chiz Escudero at Dingdong Dantes na nag-propose na sa kani-kanilang girlfriend. Hindi raw siya makikiuso. Mas gusto ni Zanjoe na handang-handa na siya financially bago alukin ng kasal ang kasintahang si Bea Alonzo.
“Pinaghahandaan dapat ang mga ganyang bagay. Hindi puwedeng pabigla-bigla. Hindi rin porke’t uso, eh, gagaya na ako. May tamang panahon para riyan,” katuwiran ng aktor na isa sa mga bida sa pelikulang Maria Leonora Teresa ng Star Cinema.
Aminado si Zanjoe na kulang pa ang kanyang naipon. Ibig sabihin, hindi pa siya financially stable. Pangit nga naman na maging problema nila ang pera ni Bea kapag ikinasal na sila, although, parang malabo rin namang mangyari ang ganu’n.
Mukhang nalilinya si Zanjoe sa gay roles. Bading na teacher ang role ng aktor sa Maria Leonora Teresa. Bading din siya dati sa Bromance.
“Pero iba naman ‘yung pagkabading ko rito sa Maria Leonora, Teresa, closet gay ako rito. Patagong bading, kasi teacher ako. Sa Bromance, bading na bading ako na hindi na kailangang itago,” kuwento pa niya.
Sa tanong kung bakit kering-keri niya ang pagganap ng gay roles, may reaksyon si Zanjoe. “Marami akong mga kaibigang bading at madali namang aralin ang kilos nila kaya komportable na ako sa ganu’ng role,” nakangiti niyang pahayag.
Palabas na sa Sept. 17 ang Maria Leonora Teresa at kasama ni Zanjoe sa pelikula sina Jodi Sta. Maria at Iza Calzado. Ito ang kauna-unahang horror movie na idinirek ni Wenn Deramas.
La Boka
by Leo Bukas