MAGANDA NAMAN ang balitang hatid ni Zsa Zsa Padilla dahil benign pala ang tumor na tinanggal sa kidney niya.
Sabi nga niya nu’ng in-interview ni Ricky Lo para sa Startalk, maganda raw ang gising niya sa hospital nang sinabi ng pathologist nito na benign nga at hindi malignant ang tumor na tinanggal sa kanya.
Kaya malaki ang pasasalamat ng Divine Diva dahil naniniwala raw siyang malaki ang tulong ng mga dasal na inalay sa kanya. Hinanda na raw niya ang sarili niya na may cancer siya, kaya kinalma na lang niya ang sarili niya. Iyon nga ang resulta kaya masaya silang lahat.
Malapit na raw siyang bumalik dito para tuluyang magpagaling. Nakapaglalakad na raw siya ngayon, pero madali raw siyang mapagod. Pero pinipilit daw niya, dahil ini-encourage siya ng mga nurse niya na maglakad.
Natutuwa pa siya dahil ang daming Pinoy nurses daw na nag-aalaga sa kanya, kaya parang madali lang ang lahat sa kanya.
“Talagang prayers do wonders. I really believe in that, that’s why I asked for it.
“Of course my mother always reminds me that Jesus Christ is the greatest healer of all,” pahayag ni Zsa Zsa.
Pero naniniwala rin siya na hindi siya pinapabayaan ni Dolphy na feeling daw niya laging nasa tabi niya. Lagi niyang hinahawakan ang naka-tattoo sa kamay niya na “lovey”.
Sabi ng mga kasamahan ni Zsa Zsa sa I Do Bidoo Bidoo, pagdating nito ay magpapa-block screening daw sila para makasama nila itong manood.
TINANGGAP NA namin ang project na alok ng GMA-7 para kay Pauleen Luna.
May pagka-kontrabida na naman kasi ito. Ayaw na sana ng alaga ko na magkontrabida dahil hindi raw type ng mga followers niya sa Eat Bulaga.
Pero nu’ng nabasa naman ni Pauleen ang script, okay na rin siya at excited siya dahil ngayon pa lang daw siya gaganap na isang mahirap na may pagka-TH na sosyal.
Ito ‘yung bagong drama series na panghapon na pagbibidahan ni Bela Padilla, ang Magdalena.
Medyo sexy nga raw ito para kay Bela, pero hindi naman magpapa-sexy rito si Pauleen.
Kasama nila rito sina Dion Ignacio, Vivo Ouano, Prince Stefan at Pancho Magno.
Maganda nga dahil binigyan ng chance ng GMA-7 ang mga talents nila gaya nina Vivo at Dion dahil mukhang may karapatan naman sila.
Itong si Vivo ay nasangkot pa sa drugs noon na na-damay siya sa buy-bust operation kasama ang mga barkada niya.
Tatlong buwan din naman siyang na-detain sa Camp Crame dahil natagalan itong nabigyan ng permit ng DOJ kahit napatunayang hindi naman siya sangkot.
Pero mabuti na rin daw ‘yun dahil marami siyang natutunan at ngayon ay behaved na raw talaga siya at hindi na ito hinahayaan ng mga magulang niya na luma-bas-labas.
Gusto na raw niyang mag-concentrate sa pag-aaral kaya nagpapasalamat din siya sa GMA-7 dahil binigyan ito ng trabaho.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis